Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-25 anibersaryo ng TV Patrol
[Inihayag sa Manila Hotel noong ika-27
ng Hulyo 2012]
Mr. Gabby Lopez; Mrs.
Charo Santos-Concio; Ms. Ging Reyes; Senator Frank Drilon; Senator Loren
Legarda; Secretaries Mar Roxas, Greg Domingo, Ricky Carandang; Chairman Francis
Tolentino; Bangko Sentral Governor Sy Tetangco; Mayor Alfredo Lim;
Representative Sonny Angara; Commissioner Ruffy Biazon; Commissioner Kim
Henares; Chair Sixto Brillantes; past and present officials and staff of TV
Patrol and ABS-CBN; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal
ko pong kababayan:
Magandang gabi po sa
inyong lahat.
Dito po
magkakaaminan: Noon pong kabataan ko, wala pang ANC, wala pang CNN, at aaminin
ko po, sa totoo lang, wala pang cable TV. Kung kailangan mo ng instant news,
halimbawa, kapag may bagyo, nawalan ng kuryente, ang tutok namin noong mga
panahong iyon: Radyo Patrol. Sa pag-usad ng panahon, mas naging moderno ang
pagbabalita; ang tinig na rumoronda sa himpapawid, nadadagdagan ng biswal na
elemento. At narito na po tayo ngayon, ipinagdiriwang ang Silver Anniversary ng
isa sa mga pinakamatibay na institusyon sa pagbabalita: Ang TV Patrol.
Sa loob ng
dalawampu’t limang taon, kinilala ang TV Patrol sa tapang at sigasig ng
paghahatid ng impormasyon sa mamamayang Pilipino. Sa tuwing may sakuna, naroon
kayo upang magbigay ng kaalaman kung paano umiwas sa peligro at disgrasya. Sa
tuwing may agam-agam ang publiko ukol sa isyu, kayo ang takbuhan para sa tapat
na pag-uulat. Kaya naman, sa lahat ng bumubuo ng inyong programa, mula noon
hanggang ngayon, sa harap man o sa likod ng kamera: talaga namang pong isang
mainit na pagbati sa inyong ikadalawampu’t limang anibersaryo.
Kapag katotohanan ang
pinag-uusapan, lagi kong naaalala ang isang sikat na police drama noong ako
po’y bata pa. Dragnet ang pangalan po ng programa. At sa pagkalap ng kaalaman,
ang bukambibig noong isang bida, and I quote, “Just the facts, Ma’am.”
Hayaan po ninyo akong
ilatag ang ilang facts na inihayag natin sa SONA noong Lunes:
Five point two
million sa pinakamahirap na kabahayang Pilipino ang buong-buo at walang-bayad
nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. Fact po ito.
Bago matapos ang
susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa
silid-aralan. Fact na naman po ito.
Tinitiyak na po ang
kalidad ng higit sa 70,000 na mga baril na ipagkakaloob sa natitirang 45 porsyento
ng ating kapulisan. Matapos po ang prosesong ito, magkakaroon na tayo ng
one-is-to-one ratio ng pulis at sa armas na kailangan po nila sa kanilang
trabaho. Fact din po ito.
Ilan lang po ito sa
mga pagbabagong tinatamasa ngayon, at nakamit po natin ito sa unang dalawang
taon pa lamang ng ating pamamahala. Nang mag-umpisa tayo bilang Pangulo, ni
wala po tayong masipat na “light at the end of the tunnel.” Ni hindi nga po
kami sigurado kung may dulo pa ang balon ng problemang ipinamana sa atin. Wala naman
po sigurong magkakaila: Napakalaki na ng ipinagbago ng ating bansa. At palagay
ko po naman, fact din po iyan sa ating lahat.
Huwag po sana ninyong
mamasamain, tutal kaharap ko na po kayo ngayon, at one night lang naman sa 365
days ng isang taon ko kayo makakausap. Tingnan po natin ang paghahayag ng
inyong institusyon.
Noong Oktubre ng
nakaraang taon, may isang reporter kayo ang nagbabalita sa NAIA 3. Ang sabi
niya, sa puntong iyon, tumaas ng dalawampung porsiyento ang passenger arrivals
sa paliparan. Magandang balita, at higit sa lahat, fact po iyan. Sa kabila nito, nakuha pa pong humirit ng
isang anchor n’yo at ang sabi po niya, and I quote, “Nasa NAIA 3 ka kasi; kung nasa NAIA 1 ka,
doon malala.” Sa loob-loob ko po, anong kinalaman ng ibinabalita sa NAIA 3 sa
NAIA 1? May nagsabi po bang ayos na ayos na ang NAIA 1? Kung mayroon man ho,
hindi kami. Nakaligtaan niya atang mahigit 30 anyos na ang istrukturang ito.
Napapaisip nga po
ako: ‘yung nagkomento nito, hindi ba’t anim na taon ding tumangan sa renda ng
gobyerno? Sabihin na po nating minana lang din nila ang problema; ‘di hamak mas
luma naman ang ipinamana nilang problema sa amin. Anim na taon ang ipinagkaloob
sa kanya para tumulong sa pagsasaayos ng mismong inirereklamo niya. Pero ngayon,
tayo na nga ang may bitbit na problema, tayo na nga ang tutugon dito, pero,
masakit nga ho, may gana pa tayong hiritan ng nagpamana?
Naalala ko rin po
nang na-recover ng NBI ang isang banyagang bata na nakidnap. Ang ganda na po
sana: Nakakuha ng tip ang awtoridad, kumilos sila, at na-recover ang bata.
Masaya ang mga magulang na kapiling na muli nila ang kanilang anak; masaya ang
bata na kayakap niya ang kaniyang ama’t ina; masaya ang awtoridad na maayos at
matagumpay ang operasyon nila. Mukhang ang hindi lang masaya, ito nga pong
anchor natin na nagawa pa uling humirit na baka raw na-set-up lang raw ang
rescue operation, at binayaran lang talaga ang ransom. Kahit anong pilit ng
reporter na malinaw ang operasyon; nag-surveillance ang mga taga-NBI, at talagang
natiyempuhan nilang walang nakabantay sa bata, pilit pa rin po nang pilit ang
anchor. Sabi nga ho ng nanonood kong kasama, “Naman.” Kami pa po mismo ang
magagalak kung makakapaghain kayo ng kapirasong ebidensya ukol dito, at kung
mayroon nagkamali, usigin natin ang mga nagkamali.
May naitutulong po ba
ang mga walang-basehang spekulasyon, lalo na kung lumalabas ka sa telebisyon at
sinusubaybayan ng sambayanan? Kung nagbabangkaan lang tayo sa kanto, hindi
problema ang mga walang-basehang patutsada. Pero kung alam mong opinion-maker
ka, alam mo rin dapat na mayroon kang responsibilidad. Sana po, sa tuwing
sasabihin nating, and I quote, “magandang gabi, bayan,” ay totoong hinahangad
nating maging maganda ang gabi ng bayan.
May isa pa po: Ang
pagtaas-baba po kasi ng pamasahe, dumadaan sa mahabang proseso. Minabuti po
nating makipag-ugnayan sa transport groups, sa pangunguna po ni Secretary Mar
Roxas, upang bumuo ng kasunduang makatuwiran. Dahil sa kaguluhan sa Gitnang
Silangan, malaki ang naging gastusin ng mga tsuper sa pataas na pataas na
presyo ng krudo, kaya oras na umabot ang diesel sa napagkasunduang presyo,
ibibigay sa kanila ang kanilang fare hike para matulungan naman. Ngunit
sang-ayon sila na kapag bumalik ang presyo’t bumaba rin ang presyo ng krudo,
magkukusa rin silang ibaba ang pamasahe. Ika nila, imbes na sumobra ang tubo,
bilang Pilipino ay magmamalasakit kami sa kapwa Pilipino.
Ibinalita po ito ng
field reporter ninyo. Good news po talaga: Ang risonableng mungkahi,
napagbigyan; ang pamahalaan, grupo ng tsuper, nagtulungan. Panalo ang
sambayanan. Ang problema, nagawa pa rin itong sundutan ng komentaryo. Matapos
i-report, ang pambungad na tanong ng inyong anchor: Ano raw ba ang angal ng mga
grupo sa akin po. Ang reaksyon ko, “Saan naman nanggaling ‘yun?”
Nagkasundo-sundo na
tayong tugunan ang isang problema, mayroon pang naghahanap ng angal.
Nagkakasundo na nga,
para bang gusto pa ring pag-awayin. Mahirap pong isipin na bahagi ito ng inyong
job description. ‘Di po ba kung umangat ang ating kalagayan, tayo ang panalo;
at kung lumubog naman ito, tayo rin naman ang talo? Bakit parang mas gusto ng
iba na makita tayong lumulubog?
Kung gabi-gabing bad
news ang hapunan ni Juan dela Cruz, talaga namang mangangayayat ang puso’t isip
niya sa kawalan ng pag-asa. Mayroon po kayong The Filipino Channel, kung saan
napapanood ng mga dayuhan at ng ating mga kababayan sa ibayong dagat ang mga
balita sa Pilipinas. Isipin po natin: bawat isang turistang bumibisita sa bansa
tinatayang isang trabaho ang naglilikha. Ilang turista kaya kada buwan ang
nagka-cancel ng bakasyon dahil sa araw-araw na negatibismo? Ilan kayang
kababayan ang nawawalan ng pagkakataong magkaroon ng kabuhayan dahil sa bad
news na ito? Kung isa po kayo sa sampung milyon nating kababayan na
nagsasakripisyo sa ibayong-dagat, gaganahan kaya kayong bumalik dito kung mas
nakakasindak pa sa Shake, Rattle, and Roll ang balita sa telebisyon? Kailan pa
po ba naging masama ang pagpapahayag ng mabuting balita?
Sa pagpapatrol ninyo
sa bawat sulok ng bansa, tiyak na may nadaratnan kayong mga positibong
kuwentong maaaring maging bukal ng inspirasyon at pag-asa sa ating mga
kababayan. Hindi naman po siguro masusunog ang mga TV sets at radyo ng inyong
mga suki kung paminsan-minsan ito ang inyong ibalita. Hindi naman po siguro
kalabisang isipin na sa pagtaas ng iniluluwas nating coco water na mahigit
3,300 porsiyento ang inangat, may mahahagilap kayong isang magsasaka na
magsasabing, “Dati, itinatapon lang ito. Ngayon napapagkakitaan na namin.” Sa
mahigit tatlong milyong pamilyang benepisyaryo ngayon ng Pantawid Pamilyang
Pilipino Program, hindi naman po siguro mahirap maghanap ng isang magsasabing, “Malaking
tulong ang programang ito.”
Alalahanin po natin:
Anumang sinasabi n’yo ay nakakaapekto sa pananaw ng Pilipino—humuhubog sa
kanyang mga kilos, sa pagtingin niya sa kanyang sarili, sa kapwa, at sa bayan.
Kapag pinaniwala si Juan na panay pangit ang nangyayari sa lipunan, talagang
mawawalan siya ng dahilan para tumungo sa katuparan ng mga adhikain niya. Pero
kung nakikita niyang ang dating problema ay nasusulusyonan, mag-aalab ang
pag-asa, at magkakakompiyansa siyang sumulong dahil alam niyang may pagbabago
na.
Marami pa ba tayong
problemang kailangang tugunan, at hindi po magiging madaling lampasan ang mga
ito, lalo na kung kaliwa’t kanan ang hilaw na kuru-kuro at spekulasyon. Sa akin
na po mismo manggagaling: Marami pa ring butas ang dinatnan nating sistema at
hindi perpekto ang gobyerno, kaya’t kung may pagkukulang kami, ipaalam lang po
ninyo. Parati ko pong ipinapaalala, sa ilang samahan na baka tumataas ang ere:
nag-uumpisa ang kaalaman sa pag-amin na hindi lahat ng kaalaman ay nasa akin.
Ako na mismo ang aamin: wala kaming monopolyo sa husay at talino, at hindi kami
tama sa lahat ng sandali. Subalit hindi malulunasan ang mga problema kung sa
bawat isang hakbang pasulong natin, puro paatras naman ang hila ng ilang gusto
tayong ibalik sa dilim ng ating dinatnan.
Kung may paligsahan
nga po sa pag-unawa’t pagtitimpi, malamang naman po gold medalist na po tayo
diyan. Bahagi po kasi ito ng trabaho natin. Bahagi rin nito ang magsabi ng
totoo, at sa gabing ito, inilahad ko lamang po ang katotohanang nakikita ko.
Hindi ko hinihiling
na kumatha kayo ng mga gawa-gawang kuwento, o pagandahin ang imahen ng
gobyerno. Ang akin lang po, kung naibabalita ang mga nagaganap na krimen at
trahedya, ibalita rin naman po natin sana kung paano ito naresolba. Kung
inilalantad po natin ang kabulastugan; matuto naman din po sana tayong
kilalanin ang mga nagagawang kabutihan. At kung may maimumungkahi kayo para
lalo nating mapagbuti ang pagsisilbi sa bayan, kami po ay makikinig. Ibalanse
lamang natin; tandaan na natin sa bawat sulat, sa bawat ulat, ay nag-iiwan kayo
ng marka sa publiko; nakakaapekto kayo sa buhay ng kapwa Pilipino. Ang
pagkiling sa negatibismo ay mag-aatras lamang sa dapat sana’y pag-usad na ng
ating bayan at mga kapwa Pilipino.
Patuloy po tayong
magsumikap upang iangat ang antas ng propesyunalismo, integridad, at
kredibilidad sa larangan ng paglilingkod-bayan; patuloy nating isabuhay,
bantayan at patingkarin ang ating demokrasya. Bilang isang lahing Pilipino,
sama-sama nating isatinig at ihayag ang ating paninindigan: nandito na ang
Pilipinas, tinatamasa na ng Pilipino ang pagbabagong siya rin mismo ang gumawa.
Muli, at ako po’y
pagpasensyahan ninyo kung masyadong prangka nagsalita ngayong gabi. Maganda na
ho siguro ‘yung totoo ang sabihin para magkaunawan tayo nang maliwanang. Muli
po, binabati ko ang TV Patrol sa inyong ika-25 kaarawan. Maraming, maraming
salamat po sa inyong paglilingkod sa bayan at more power po. Magandang gabi po.
No comments:
Post a Comment