SONA 2012
`Kayo po ang gumawa ng pagbabago.
SONA ito ng sambayanang Pilipino’
By President Benigno S. Aquino III
(President Benigno S. Aquino III’ s third State
of the Nation Address delivered before a joint session of Congress
at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex,
Quezon City, on July 23, 2012)
Maraming
salamat po. Maupo po tayong lahat.
Senate
President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente
Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito
Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga
kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na
miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang
lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at
kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong
mga boss, magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito
po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong
mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang
tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang,
hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang
taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa
na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na
kakampi ng taumbayan.
Gaya
ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan.
Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad
ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong
taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa
pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo:
Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung
may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa
sistema, tungkulin kong itama ito.
Matagal
nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon, “Kung hindi tayo, sino pa?”
at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon
na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa
mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa
pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit
huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng
diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang
ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas,
laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.